Kinokondena ng Legal Rights and Natural Resources Center-Kasama sa Kalikasan/Friends of the Earth Philippines (LRC-KsK/FoE Phils) ang malisyosong pagbansag ni Retired Police Director Rodolfo “Boogie” Mendoza kay Jean Marie Ferraris bilang myembro ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa harap ng mga mamahayag sa isinagawang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) kamakailan lang.
“ Ang paratang ay walang katotohanan at walang basehan” ayon kay Judy Pasimio, Executive Director ng LRC-KsK/FoE Phils , isang legal at rehistradong organisasyong nagbibigay ng serbisyong pangligal at pansaliksik na nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mga katutubong mamamayan at maralita sa kanayunan. Ang LRC-KsK/FoE Phils ay kasapi din ng Friends of the Earth, isang internasyunal na pederasyon ng mga grassroots environmental organizations.
“Dapat kumpirmahin at suriing mabuti ni Mendoza ang kanyang mga impormasyon bago maglabas ng mga seryosong paratang laban ka Ms. Ferraris o sino pa man” dagdag ni Pasimio.
Si Ferraris ang tumatayong Team Leader ng Davao Regional Office ng LRC-KsK/FoE Phils at labintatlong taon nang nagtatrabaho dito. Siya ay nakatira sa lungsod ng Davao.
“Napaka-iresponsable ang ginawang pahayag ni Mendoza na iugnay ako sa Partido Komunista ng Pilipinas lalo pa at sinabing ako ang namumuno sa international financial cell doon” mariing pahayag ni Ferraris.
“Ako ay pumunta sa Cirebon, Indonesia matapos maimbitahan ng Greenpeace Philippines na dumalo sa isang campaign skillshare hinggil sa coal. Dapat sinuri muna nila ang totoong nangyari sa halip na maglubid ng kasinungalingan”
“Akala ko ba, ang bagong pamahalaang ito ay sumusunod sa wastong landas” himutok naman ni Ferraris.
Totoong may pag-arestong naganap kay Ms. Ferraris nung nakarang 5 ng Hulyo, 2010 sa Indonesia. Ngunit, ayon kay Pasimio, ang pag-aaresto kay Ms. Ferraris at ng labindalawa pa nitong mga kasamang dayuhan sa Cirebon, sa kanlurang bahagi ng Java, Indonesia ay naganap nung sila ay nagsasagawa ng press conference upang ipanawagan ang paghinto ng pagtatayo ng mga coal plants sa Indonesia at sa buong Asya.
“Ito ay walang anumang kaugnayan sa binibintang ni Mendoza na financial activity ng CPP,” diin ni Pasimio.
“Ang ganitong mga walang basehan, iresponsable at walang dunong na pahayag mula sa hanay ng pulisya at militar para atakehin ang mga aktibistang nagsusulong ng karapatang pantao ay pamana pa ng rehimeng Arroyo at dapat ay huwag hayaan bagkus ay ituwid ni P-noy” ani Pasimio.
Iginiit ni Pasimio na “kailangang humingi ng tawad si Mendoza dahil sa maling impormasyon na ito at maglabas ng pahayag para bawiin ang kanyang mga paratang na nagdudulot ng problema sa seguridad ni Ms. Ferraris, at sa kanyang gawaing pagsulong ng karapatang pangtao ng mga katutubo. ”.###
-- Erwin B. Quinones Communications and Networking Officer Legal Rights and Natural Resources Center Kasama sa Kalikasan Friends of the Earth Philippines (LRC/KsK-FoE Phils)
Tel: (632) 928-1372/ 4361101 email:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it