"Kaming mga katutubo ng Pilipinas – na nagmumula sa komunidad ng mga Ifugao, Kankana-ey, Kalinga at Ibaloi sa Cordillera; Ifugao ng Nueva Vizcaya; Alangan Mangyan ng Mindoro Oriental; Iraynon Bukidnon ng Antique; Aeta ng Zambales; Subanen ng Zamboanga; Higaonon ng Misamis Oriental; Manobo ng Trento, Agusan del Sur; B’laan ng Saranggani; Taboli ng Saranggani; Teduray ng Maguindanao; Lambangian ng Maguindanao; Dulangan Manobo ng Sultan Kudarat; Erumanen ne Menuvu ng Southern Bukidnon at North Cotabato; Kulamanon Manobo ng North Cotabato, at Matigsalog ng Bukidnon ay nagsama-sama para sa “Inter-IP Dialogue on Identity, Right to Self-Determination, Peace and Development” mula ika 16-17 ng Hunyo taong 2015, sa PRRM Building, Mother Ignacia, Quezon City.
Kami ay nagkakaisa – na ang katutubong pagkakakilanlan o identity ay napaka-kritikal sa aming buhay bilang katutubo. Ang aming sariling pagkakakilanlan ay makikita sa aming mga sayaw, awit, pananamit, porma ng aming mga bahay, mga salita, lengwahe, paniniwala, kinaugalian at kaalaman. Binubuo rin ang aming pagkakakilanlan ng aming relasyon at pagpapahalaga sa lupain at kalikasan, uri ng aming pamumuhay, ang aming sariling paraan ng pamamahala (governance), sistemang pangkarunungan (indigenous knowledge), at sistemang pangkatarungan (justice system).
Ang pagkakilanlan ng tribo ay nagmula sa mga ilog, bundok, at lupa; at direktang kaugnay ng kalikasan.
Malakas ang aming paniniwala na kapag ito ay di kilalanin, at isabuhay, may sumpa, baos, lunod, busong, sapa, gaba, o murka, na maaaring mangyari.
Kung pilit na aalisin ang aming pagkakakilanlan, lulusawin, o buburahin ito, mawawalang saysay ang pagkatao ng aming tribo. Para na ring pagkitil ito ng aming buhay.
Kami ay patuloy na nangangarap ng tunay na kapayapaan at kaunlaran sa aming pamilya at komunidad sa loob ng aming lupaing ninuno. Ang kapayapaan para sa amin ay mamuhay nang may dignidad, walang takot sa aming seguridad, at walang naka-abang na banta sa pag-agaw ng lupa, at ng aming lupaing ninuno. Ang kapayapaan para sa amin ay may kalayaan na mangaso sa aming kagubatan, at makapangisda sa aming ilog at karagatan, na walang nagbabawal; at ang mga ito ay masagana pa dahil malaya naming nagagawa ang aming sariling pangangalaga ng kalikasan. Ang kapayapaan para sa amin ay pagpapatuloy namin sa pagsagawa ng mga ritual. Ang mga ritual ay naisasagawa kung may katahimikan. Ngunit ang katahimikang ito ay binabasag ng mga corporate extractive industries na pumapasok sa aming lupaing ninuno, na tinatago sa tawag na development projects - tulad ng mga dambuhalang minahan, pagtrotroso, dam, quarrying, proyektong pang-enerhiya, mga palm oil at iba pang malawakang plantasyon ng mga korporasyon, at proyektong pang-turismo na hindi angkop sa aming kultura. Ang nakakasira ng kalikasan, nagbibiyak ng mga pamilya at komunidad, di kumikilala ng aming sariling pamamaraan ng pangangalaga at paglinang ng aming likas yaman, at ng aming intellectual property rights, ay di maituturing na kaunlaran.
Ang pinapangangarap naming kaunlaran para sa tribo ay nagdudulot ng kasaganahan para sa lahat, at di sa iilan, at lalong hindi sa mga ganid na malalaking korporasyon; kumikilala at gumagalang sa karapatan ng bawat isa sa amin – matanda, bata, babae, lalaki; walang taong pinapatay dahil sa kanyang pagtataguyod ng karapatan; walang batang nagugutom at nauulila sa mga magulang.
Ang kaunlaran para sa amin ay kumikilala sa aming kolektibong pamamahala ng aming lupaing ninuno, nililinang ang aming malapit na relasyon at ugnayan sa kalikasan, naglalayon ng pagkakapantay-pantay sa ating lipunan, at matiwasay na pakikipamuhay ng bawat isa, iba man ang paniniwala, at kasaysayan. Ang ganitong kaunlaran ay kumikilala ng aming sariling pagkakakilanlan, at nagdudulot ng tunay na kapayapaan.
Kami ay naninindigan sa aming karapatan sa sariling pagpapasya bilang katutubo. Kami ang aming sariling arkitekto ng aming kinabukasan, at malaya kaming gagawa ng plano, at mga hakbang para maipatupad ang aming pangarap na bukas – sa larangan ng ekonomiya, panlipunan at kultural na pag-unlad. Kinikilala ang karapatang ito sa international – UNDRIP o ang United Nations Declaration of the Rights of the Indigenous Peoples, at ng batas sa Pilipinas na Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA.
Napakalakas at napakaraming pwersa na pilit na pinanghihina ang aming komunidad, at pilit na dumudurog sa aming sariling pagkakakilanlan. Naryan ang matinding diskriminasyon – mula sa lipunan na lalong pinagtitibay ng mga polisiya ng ating pamahalaan. Ang sistema ng edukasyon sa ating bansa ay hindi angkop sa ating mga katutubo, at di binibigyang halaga ang tamang kaalaman tungkol sa ating kultura at lipunan. Naryan rin ang mga pang-aabuso at panlilinlang ng mga korporasyon pinagkakakitaan ang ating likas yaman. Pinalalala pa nito ng mismong National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na madalas sa hindi ay nakikipag sabwatan sa mga korporasyong ito.
Kaya malaking hamon ang kinakaharap naming mga katutubo sa paggiit ng aming mga karapatan. Pero marami sa amin ang may matatatag at gumaganang Indigenous Political Structure (IPS), samantala ang iba ay nagsisikap buhayin at palakasin ang kanila. Hindi madali ang gawaing ito, sa harap ng malalaking hamon. Pero wala namang ibang dapat gawin – kundi buhayin, palakasin at itaguyod ang aming sariling struktura ng pamamahala, at pamumuhay, upang maging mas malakas ang aming pagtatanggol ng lupaing ninuno at komunidad.
Kami ay di pinanghihinaan ng loob sa pakikibaka para sa aming karapatan, at pakikipaglaban sa mga banta dulot ng mapanirang balangkas ng kaunlaran, na pinangungunahan ng mga corporate extractive industries. Pinalalakas ang aming determinasyon ng inspirasyon mula sa iba pang mga katutubong komunidad mula sa ibang bahagi ng mundo, na lumalaban din sa mga panghihimasok sa lupaing ninuno ng mga malalaking korporasyon. Ang aming pagtaguyod ng makakalikasan at sustenableng kaunlaran para sa lahat ay ang aming ambag sa malawakang pandaigdigang pagkilos na pagtatanggol at pag-aalaga sa ating inang kalikasan.
Kami ay naliwanagan, lalo na sa dialogue na ito, na ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay isa sa malaking banta na kinakaharap ng mga katutubo sa kabuuang Mindanao. Ang di pagkilala sa sariling pagkakakilanlan at mga karapatan ng mga katutubong hindi Moro na nakasaad na sa IPRA ay malinaw na pagpapahina sa katutubong karapatan. Ang pagsaklaw sa kanilang lupaing ninuno sa ilalim ng panukalang isang ancestral domain ng tinuturing na Bangsamoro, ay pagyurak sa karapatan sa sariling pagpapasya.
Kami ay nangangamba na ang di pagkilala at di pagsasapatupad ng IPRA sa loob mismo ng lupaing ninuno ng mga katutubo sa ARMM, sa loob ng halos 2 dekada, na palalalain pa ng panukalang BBL, ay magiging hudyat na maaaring mangyari ito sa iba pang mga lupaing ninuno ng iba pang mga katutubo. Ito ay lalo pang nagbababa ng pamantayan sa pagkilala sa karapatan ng mga katutubo. Bagamat ang IPRA ay may mga kahinaan, nagagamit din ito ng mga matatatag na katutubong pamayanan sa patuloy naming pagsulong ng kanilang karapatan. Kaisa kami sa paghahangad ng tunay na kapayapaan at hustisyang panlipunan sa Mindanao para sa mga komunidad na matagal nang inapi at pinagkaitan ng hustisya.
Naniniwala kami na walang tunay na kapayapaan at hustisyang panlipunan sa loob ng Bangsamoro kung walang lubos na pagkilala sa karapatan ng mga katutubo.
Habang yakap namin ang aming pagkakakilanlan, at hawak namin sa aming puso at isipan ang pangarap na kaunlaran na magdudulot ng kasaganahan sa lahat, at di lang sa iilan; at magbubunga ng tunay at pangmatagalang kapayapaan, kami ay sama-samang naggigiit ng aming karapatan sa aming sariling pagpapasya. Naniniwala kami na sa aming pagpapanday ng aming kasalukuyang kondisyon, ay aming makakamit ang makatarungan, mapagkalinga, at mapayapang kinabukasan, para sa aming pamilya, sa aming komunidad, at para sa mga tagapag-mana ng aming pagkakakilanlan bilang katutubo."
Ika-17 ng Hunyo, 2015 / Quezon City