top of page

Aming Pasya, Aming Diwa: Itindig ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas!

  • Legal Rights Center
  • 5 hours ago
  • 6 min read

 

Kami, mga delegado at taguyod ng Pambansang Pagtitipon ng 2026 State of Indigenous Peoples Address (SIPA), nagmumula sa labing-siyam (19) na tribu—Taboli Manobo, Dulangan Menubo, T’boli-Ubo, Blaan, Tëdurày, Lambangian, Manobo, Subanon, Erumanen ne Menuvu (vansa Kirinteken, Ilentungen, Sinemburanen, at Livunganen), Balatoc, Bontok, Ibaloy, Tuwali, Gaddang, Palaw’an, Tagbanwa, Ayta, Balangao-Lias, at Kankanaey —mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas, kumakatawan sa mga Tradisyunal na Struktura ng Pamamahala, Katutubong Organisasyon, Katutubong Pederasyon at Ugnayan, Indigenous-led na NGO, at Grupong Pangsuporta, ay nagpapahayag ng aming kolektibong pananaw hinggil sa kalagayan batay sa karanasan, pagsusuri, at panawagan hinggil sa kongkretong Estado ng Katutubong Mamamayan sa Pilipinas.

 

Kalagayan ng Katutubong Mamamayan

Nakakonteksto ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ng pamahalaan ni Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa hinaharap nating papalawak na panghihimasok at pangangamkam sa mga lupaing ninuno sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, aabot ng 2.8 milyong ektarya ng lupaing ninuno ang sinasaklaw ng samu’t-saring proyekto na may banta ng pinsala sa kapaligiran at malawakang paglabag ng karapatan. Katumbas nito ang 51% o higit sa kalahati ng kasalukuyang kabuuang erya ng mga lupaing ninuno.

 

Pangunahing nagtutulak ng tunggalian sa lupaing ninuno ay ang mga tipo ng proyektong prayoridad ng Pamahalaang Marcos. Kabilang dito ang mga tipo ng proyekto tulad ng nukleyar, waste-to-energy, mga petroleum service contract, at maging mga renewable energy tulad ng mga hydro, solar, at wind power; ang pagmimina ng mga tinaguriang ‘critical mineral’ tulad ng nickel, copper, cobalt, at iba pang hilaw na materyales para sa pagtatayo ng enerhiya, AI, at iba pang high-tech na proyekto; at mga agrikultural na programa na nagdudulot ng tunggalian sa mga tenurial na instrumento ng lupa. Ang mga ito ay taliwas sa itinakda ng ating mga batas at sumisira sa ating mga payapang pamayanan.

 

Ilan sa mga partikular na proyektong ito ay:

  • Ang 101.72-Mw na Maramag Solar Power Project sa lupain ng Kirinteken-Ilentungen Menuvu sa Barangay Denggawan, Maramag, Bukidnon

  • Ang 300-Mw Pulangi V Hydroelectric Power Project sa lupain ng Kirinteken-Ilentungen Menuvu sa Ilog Pulangi sa Kibawe, Bukidnon

  • Ang 149-ektaryang Bukidnon Airport sa lupain ng Kirinteken-Ilentungen Menuvu sa Barangay Mareymarey, Don Carlos, Bukidnon

  • Mga land grabbing tulad ng 195-ektaryang banana plantation ng GAAVI-Kennemer sa lupain ng Kirinteken-Ilentungen Menuvu sa Barangay New Visayas at San Francisco sa Don Carlos, Bukidnon

  • Ang 8.4-Mw na Kalilangan Hydroelectric Power Plant sa Kalilangan, Bukidnon

  • Malawak na plantasyon at iba pang agrikultural na pasilidad ng Dole Philippines sa mga komunidad ng Kirinteken-Ilentungen Menuvu sa munisipyo ng Don Carlos, Maramag, Pangantucan, Kalilangan, at Kadingilan, Bukidnon

  • Mga proyektong Oil Palm at Giant Bamboo sa mga lupain ng Erumanen ne Menuvu sa mga munisipyo ng Carmen, Cotabato at sa Roxas at Damulog, Bukidnon

  • Expansion ng mga operasyon ng small-scale mining sa lupain ng Taboli Manobo at Dulangan Menubo sa Sultan Kudarat

  • Patuloy na naaantalang kumbersyon ng Certificate of Ancestral Domain Claim (CADC) tungong Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) sa lupain ng Taboli Manobo at Dulangan Menubo sa Sultan Kudarat

  • Proyektong irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA) sa lupain ng Taboli-Ubo sa boundary ng South Cotabato at Sultan Kudarat

  • Expansion ng 17,000-ektarya na Coal Operating Contracts at mga karugtong nitong proyekto tulad ng panukalang diversion road ng Daguma Agro Minerals, Inc. (DAMI) at Sultan Energy Phils. Corp. (SEPC) sa lupain ng Taboli Manobo sa Lake Sebu, South Cotabato

  • Patuloy na iligal na operasyon ng 29,085-ektaryang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) ng M&S Inc. sa lupaing ninuno ng Taboli Manobo at Dulangan Menubo na sumasaklaw sa mga probinsya ng South Cotabato, Sultan Kudarat, at Maguindanao del Sur

  • Ang 2,546.65-ektaryang proyekto ng Copper, Manganese, at Chromite na mining exploration MacroAsia sa lupain ng Dulangan Menubo sa Esperanza, Sultan Kudarat

  • Proyektong irigasyon ng NIA sa lupain ng Teduray at Lambangian sa South Upi, Maguindanao del Sur

  • Mga plantasyong Oil Palm, Niyog, at Saging sa lupain ng B’laan sa Columbio, Sultan Kudarat at Tampakan, South Cotabato

  • Mga operasyon ng ‘Banlas’ na small-scale mining sa lupain ng B’laan sa Columbio, Sultan Kudarat at Tampakan, South Cotabato

  • Ang 978.38-ektaryang proyekto ng Nickel-Cobalt-Iron mining exploration ng Redmont Consolidated Mines Corporation sa lupain ng Palaw’an sa Narra, Palawan

  • MacroAsia 

  • Ipilan Mining 

  • Ang 2,500.82-ektaryang Makilala Copper-Gold Project sa lupain ng Balatoc-Kalinga sa munisipyo ng Pasil, Kalinga

  • Ang 16,200-ektaryang proyekto ng Copper-Gold-Molybdenum mining exploration ng Yamang Mineral Corporation, subsidiary ng FCF Minerals, sa lupain ng Tingguian at Masadiit sa Abra, at Kalinga

  • Ang 8,314.42-ektaryang Copper-Gold mining project ng OceanaGold Philippines Inc. sa mga pamayanan ng Tuwali sa Kasibu, Nueva Vizcaya

  • Woggle 

  • NLMRC 

  • Ilegal na tambakan ng basura sa lupain ng Ayta sa Subic, Zambales

  • Ang 1,600-ektarya na Pax Silica semiconductor at artificial intelligence hub sa loob ng lupain ng Ayta sa New Clark City sa Capas, Tarlac

  • Exploration ng Redmond sa PALATA sa tatlong Barangay Panalingaan, Latud, Taburi, lahat sakop ng bayan ng Rizal, Palawan. 


Kinatatampukan ng mga proyektong ito ang mga paglabag sa karapatan sa lupaing ninuno, sariling pagpapasya at pamamahala, sibil-pulitikal at sosyo-ekonomiko na karapatan, at integridad ng kultura. Naapektuhan ang aming mga sagradong lugar at naaapektuhan ang aming mga ninuno at ang mga Hindi Nakikita. Nagkakasakit lalo na ang mga kabataan at kababaihan. Napinsala at namatay ang aming mga hayop at halaman, at mga pananim, sistema ng pagkain, at kabuhayan. Naubos ang aming mga katubigan. Nasira ang aming kabundukan, kagubatan, at mga bukirin.


Pinalayas ang aming mga komunidad. Nasira ang mga relasyon ng mga pamilya at angkan. Hindi na nakakapag-aral ang mga bata sa aming pamayanan. Nire-red-tag hindi lang ang aming mga lider kundi aming buong mga komunidad at tribu. Tumindi ang militarisasyon ng mga armadong grupo at ng militar.


Tampok na Isyu ng Free, Prior, and Informed Consent

Kagyat at tampok na usaping hinaharap ng Katutubong Mamamayan ang mga banta sa karapatan at proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), lalo na sa inanunsyo ng Pamahalaang Marcos sa pamamagitan ng National Commission on Indigenous Peoples na may bagong 2026 Revised FPIC Guidelines.


Ikinalulungkot, ikinagagalit, at ikinababahala namin na ang naging proseso para sa pagrepaso nitong saligang karapatan ng Katutubong Mamamayan sa sariling pagpapasya ng landas ng kaunlaran sa loob ng mga lupaing ninuno, ay hindi dumaan sa tunay, malinaw, at lubos na proseso ng pagkokonsulta sa aming mga komunidad–sa delegado ng SIPA 2026, mabibilang sa daliri ng isang kamay ang mga lider-katutubo na naabot ng konsultasyon hinggil sa aming karapatan na konsultahin at magdesisyon.


Sa iba’t ibang bersyon ng mga panukalang pagbabago sa FPIC Guidelines simula ng 2024 hanggang 2026, kinatangian ito ng mga probisyon na pinaiikli ang mga timeline at proseso ng FPIC; pagbabawas ng kapangyarihan ng kinaugaliang pamamahala; at pagpapahina ng mga mekanismo sa regulasyon, mga hinaing, mga remedyo, at iba pa.


Ang Tunay na Solusyon ay nasa Sariling Pagpapasya

Alam ng mga katutubo kung ano ang mga tunay at angkop na solusyon sa klima at kalikasan na matagal na nating isinasapraktika, at aming tinitindigan na nakaugat ito sa mga sistema at praktika ng katutubong kaalaman, sa tradisyunal na pamamahala, at sa pagrespeto sa karapatan ng katutubo na ipatupad ang mga ito na walang hadlang o manipulasyon.


Tulad ng Sistemang Agro-Ekolohiya ng Sulagad ng mga Tëdurày at Lambangian; ang Balik-Lasang at Solar Village ng mga Taboli Manobo; ang pangangalaga ng mga pamanang binhi at sistema ng pagkain ng mga Igorot; at ang pinanday na Indigenous Peoples and Biodiversity Strategy and Action Plan (IPBSAP) ng koalisyon ng katutubong mamamayan at saribuhay; pinatunayan ng mga inisyatibang ito na ang kaunlarang pinapanday batay sa kultura at karapatan ng Katutubong Mamamayan ang tunay na nakakapagbigay solusyon sa pagkaubos ng saribuhay, pagkasira ng klima, at pagkasaid ng likas-yaman.




Ang Ating Panawagan

Sa ganang ito, kami ay nananawagan sa Administrasyong Marcos Jr., partikular sa mga ahensya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Mines and Geosciences Bureau, Department of Agrarian Reform, Land Registration Authority, Palawan Council on Sustainable Development, Department of Agriculture, Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy, iba pang ahensya at mga lokal na pamahalaan sa buong kapuluan, na kilalanin ang sariling pagpapasya ng Katutubong Mamamayan, at ang nakaugat dito na ating diwa, dignidad, at laya.


Sa partikular, hamon natin na:


  1. Kilalanin at respetuhin ang mga Lupain at Lupang Ninuno at mga Watershed at Key Biodiversity Area na kinakanlong nito, partikular sa lubos na pagpoproseso ng mga aplikasyon at malinaw na delineation ng Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT), at gayundin sa pagkilala sa Native Title sa mga lugar na hindi pa nalulubos ang mga prosesong ito

  2. Ipatigil at lubos na ipatupad ang rehabilitasyon sa mga proyektong mapanira na nakapaminsala sa mga Lupain at Lupang Ninuno

  3. Huwag ipasa at ipatupad ang Bagong 2026 Revised FPIC Guidelines hangga’t hindi nagkakaroon ng tunay, klaro, at lubos na konsultasyon mula sa antas ng teritoryo pataas sa pambansa dahil ito ay hilaw at hindi dumaan sa wastong proseso.

  4. Suportahan ang pagpapalakas ng pagkilala at pagkokonsolida ng mga Indigenous Political Structure na nakabatay sa sariling-pasya ng mga tribu, at sa partikular ay repasuhin ang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Selection Guidelines upang tiyakin ang tunay na representasyon ng mga tradisyunal na pamamahala. 

  5. Pagsuporta sa mga pagpaplano ng kaunlaran at pangangasiwa ng mga lupain, kapaligiran at likas-yaman sa mga lupaing ninuno ng mga Katutubong Mamamayan, tulad ng paglulubos ng ADSDPP at lokalisasyon ng IPBSAP

  6. Pagbubukas ng mga aktibong espasyo para sa diyalogo mula sa antas ng lokal hanggang pambansa at pandaigdigang espasyo ng pamamahala, na may tiyak at makabuluhang papel sa pagdedesisyon ang mga Katutubong Mamamayan

  7. Suportahan ang pagsisikap ng mga Katutubong Mamamayan na maglunsad ng tuloy-tuloy na gawain sa Information, Education, at Communication (IEC) sa kapwa katutubo, sa mga lokal at pambansang pamahalaan, at sa publiko sa pangkalahatan, hinggil sa Indigenous Peoples RIghts Act, FPIC process, at sa ating balangkas ng prinsipyo hinggil sa karapatan ng Katutubong Mamamayan.








 
 
 

Recent Posts

See All

Comments


The Legal Rights and Natural Resources Center is the Philippines member of Friends of the Earth International. 

LRC is organized and registered as a non-stock, non-profit, non-partisan, cultural, scientific and research organization. Established on December 7, 1987,

it started actual operations in February 1988.

 

FOLLOW US

  • Facebook
  • Twitter
  • YouTube
  • Instagram

  ©  2020

bottom of page